Ahluwalia Naglabas ng Doll-Sized na Koleksyong Damit na Gawa sa Basurang Landfill
Nakipag-team up sa Epson para ipakita ang inobasyong maaaring makatulong solusyunan ang krisis sa landfill.
Nasa sukdulang taas na ang konsumo, mas hindi na nabubulok ang maraming materyales at patuloy na nabubuo at napupuno ang mga tambakan ng basura. Isang usaping bihira pa rin nating pagtuunan ng pansin ang basurang nagmumula sa mga itinatapong damit ng mga bata. Bilang tugon dito, ang Britanikong fashion designer na si Priya Ahluwalia ay nakipagtulungan sa Epson upang likhain ang “Fashion Play,” isang kauna-unahang doll-sized fashion collection na gawa mula sa textile waste gamit ang nangungunang teknolohiya ng Epson.
Sa UK ay may 216 milyong piraso ng damit-pambata na itinatapon taon-taon, na ginagawa itong pinakaproblemado sa buong Europe. Natuklasan sa isang pag-aaral na ang mga Briton ay nagtatapon ng 17 pirasong damit ng bata bawat taon, kumpara sa mga French, na nagtatapon ng mas mababa pa sa kalahati niyon. Sa ganitong konteksto, ibinibida ni Ahluwalia ang sustainable na inobasyon sa pananamit na maaaring makatulong tugunan ang krisis sa mga tambakan ng basura.
Ang doll-sized fashion collection ay naka-print gamit ang Monna Lisa digital printing technology ng Epson at nilikha mula sa basura gamit ang Dry Fibre Technology, na ginagawang bagong hibla ang lumang tela nang hindi gumagamit ng tubig o matatapang na kemikal. Binubuo ang miniature collection ng dalawang men’s at dalawang women’s looks na hango sa mga disenyo ni Ahluwalia para sa FW25 at inilulunsad kasabay ng bagong pananaliksik ng Epson bilang isang makapangyarihan ngunit malikhain at mapaglarong paalala kung gaano kalaki ang suliranin sa fashion waste at kung gaano kagyat ang pangangailangang pag-isipang muli kung paano ginagawa at binibili ang mga damit. Ipinapakita ng collaboration kung paanong ang creativity at technology ay puwedeng magsanib-puwersa upang harapin ang isa sa pinakamalalaking hamon ng industriya, sa paraang makabuluhan, masaya at naka-focus pa rin sa estilo.
Ibinahagi ni Ahluwalia, “Sa mga pagbiyahe ko sa India at Nigeria, nasaksihan ko ang totoong lawak ng textile waste na dulot ng Western second-hand clothing industry. Tumimo sa akin ang karanasang iyon, at mula noon ay sinikap ko nang magtrabaho sa paraang mas makabubuti para sa mga tao at sa planeta, lalo na sa global south.” Tungkol naman sa collaboration, idinagdag pa ng designer, “Layunin nitong simulan ang mga pag-uusap tungkol sa sustainability sa iba’t ibang antas—mula sa paraan ng pagbibihis natin hanggang sa mga pinipili nating isuot para sa mga mahal natin sa buhay.”
Para sa mas marami pang sustainable na alternatibo, silipin ang mga reworked sportswear brands na ito.
















