Kilalanin ang Designer sa Likod ng Custom Adidas Tour Footwear ng Katseye
Si Katie Qian ang nagbigay-buhay sa kakaibang style ng grupo para sa kanilang debut tour.
ng Katseye Beautiful Chaos tour ay isa sa mga huling pinakamalalaking fashion moment ng taon. Laging nabibigyang-buhay ng perpektong magkakatugma nilang outfits ang kani-kanilang personalidad, pero ang mga sapatos ang talagang pumukaw ng pansin sa tour na ito. Gabi-gabi, suot ng girl group ang mga bespoke na adidas boots sa entablado, na inspirasyon ang vintage boxing silhouettes at retro na styles.
Dinisenyo ng stylist na si Katie Qian, dalawang klase ng knee-high na boots ang paulit-ulit na isinusuot sa lahat ng 16 na tour dates. Ang mga grungy na pares na may fur details ay binalanse ng multi-colored, metallic versions sa shades ng blue, green at pink. Sa malapit na pakikipagtulungan sa adidas, perpektong sumasalamin sa mga disenyo ni Qian ang estilo ng anim na miyembro ng Katseye, na lalo pang nagpapatibay sa puwesto ng grupo bilang ilan sa pinakamalalaking fashion icon ng henerasyong ito.
Nakipagkuwentuhan kami kay Qian tungkol sa lahat ng bagay na Katseye, vintage footwear at ang pinakamalalaking inspirasyon niya sa pagdidisenyo. I-scroll pa ang pahina para mas makilala ang mastermind sa likod ng custom looks ng Beautiful Chaos Tour.
Ano ang naging pangunahing inspirasyon mo sa pagdidisenyo ng boots?
Sila mismo, ang Katseye girls, ang tunay na nag-inspire sa hitsura ng mga boots na ito. Nasa edgy na mga look sila ngayon na may halo ng leather at fur sa “Gnarly” era, kaya gusto kong dalhin ang energy na iyon sa footwear para sa tour. Pagkatapos naming ma-finalize ang mga disenyo para sa tour looks, gusto naming gumawa ng shoes na magko-complement sa direksyong iyon at magiging buo at magkakaugnay.
Bukod pa roon, palaging komportable ang mga girls sumayaw gamit ang adidas “Japan” na sneakers, kaya gusto naming isama ang base silhouette na iyon at lumikha ng mas matangkad na boot na may maraming kaakit-akit na texture. Laging malaking konsiderasyon sa design process ang practicality sa entablado, dahil napakarami at mabibigat ang sayaw at stunts na ginagawa ng mga girls.
Kumusta ang naging experience mo sa pakikipagtrabaho sa Katseye girls?
Lagi talagang nakaka-excite para sa akin ang makatrabaho ang mga girls! Kahanga-hanga silang performers, at super fan ako ng lahat ng ginawa nila ngayong taon, kaya puro saya para sa akin na makapag-ambag sa anumang paraan. Personal kong nararamdaman na sobrang tugma ng aesthetic ko sa Katseye, kaya nakakagawa talaga ako kasama nila ng mga look na mahal ko rin. Isa rin itong kakaibang experience na makatrabaho ang isang grupo, dahil parang nagbubuo ka ng masayang puzzle—pinagpipi-piraso mo ang individual style at preference ng bawat isa sa paraang magiging unified at bahagi ng iisang imahen sa dulo.
Paano mo nilapitan ang pagsasama ng personal style ng bawat girl sa mga boots?
Bahagi ng pakikipagtrabaho sa Katseye ang tunay na pag-alam at pagsama ng personalidad ng bawat girl sa kung ano ang isinusuot nila. Lahat sila ay may mahusay na panlasa at kanya-kanyang unique na style, kaya napakasaya ng proseso ng mas makilala sila. Para sa mga adidas boots na ito, iisa ang base silhouette na pinaka-komportable para sa kanilang lahat kapag sumasayaw, pero nag-iiba ang karakter dahil sa iba’t ibang textile, texture at tono na ginamit namin.
Talagang collaborative ang naging proseso kasama ang adidas team, na siyang naghanap ng napakaraming uri ng bonggang materyales base sa moodboard ko. Nagkaroon kami ng meeting kung saan isa-isa naming tiningnan ang lahat ng swatches at itinalaga ang mga materyales para sa bawat parte ng bawat boot para sa anim na style. Sa huli, itinugma namin ang iba’t ibang style sa bawat girl batay sa kung ano ang babagay sa bawat tour look, pati na sa alam kong preference nila sa kulay at kung mas gusto nila ang sleek o mas punô at maximalist na boot.
Ginamit mo ba ang adidas archive bilang reference?
Talagang na-inspire ako ng mga vintage adidas boxing boots na nakikita ko kung saan-saan, kaya sobrang na-excite akong gumawa ng isang bagay na may paalala sa style at hugis na iyon. Kumalap din ako ng marami pang ibang inspirasyon at visual references na pinaghalong vintage, DIY at modern na piraso. Karamihan sa references ay tungkol sa interesting na textures at mixed materials. Gusto ko talagang maramdaman sa boots ang earthy, gritty at organic na vibe. Wala mang eksaktong reference ng isang existing na bagay, malinaw na malinaw na ang ideya sa isip ko at sobrang thankful ako sa adidas team sa pagbuo ng kakaibang request na ito.
Para silang dream team na katrabaho. Agad nilang naintindihan ang vision ko at naipagsama-sama nila ang lahat ng inspirasyon sa isang bagay na tunay na espesyal para sa tour.
Nakikita mo bang mas papasukin mo pa ang design sa hinaharap, kasabay ng styling?
Naniniwala akong malaking bahagi talaga ng styling ang paggabay sa design process at pagdi-direk sa visual ng mga look, lalo na kapag marami kang musikero na nangangailangan ng custom pieces. Sobrang nage-enjoy ako sa aspetong iyon, kaya siguradong mananatili iyon bilang bahagi ng proseso ko. Pero ang totoong design work ay ginagawa ng mga designer at ng kani-kanilang team, na walang tigil sa pagbuo ng teknikal na konstruksyon ng bawat piraso. Napakaraming detalye ang kailangan para tunay na malikha ang mga garment at piraso na hindi namin ginagawa bilang stylists, at napakalaki ng respeto ko roon.



















