Ang mga babaeng nagbubuhat ng kung anu-ano ay hindi naman talaga ang imaheng papasok sa isip mo kapag naiisip ang pagbuo ng komunidad, pero sa paanuman, ‘yan mismo ang nangyari. Itinatag ni Halle Robbe ang Instagram account noong 2021, at mula noon ay umabot na sa halos kalahating milyong followers, na nagbunga ng isang komunidad ng mga kababaihan na may parehong pananaw at pinagbuklod ng kanilang “matinding hawak.”
Ilang taon matapos itong ilunsad, nakipagsanib-pwersa si Robbe sa Nike bilang bahagi ng kanilang Studio Fleece campaign, kung saan tampok ang pitong boses ng susunod na henerasyon sa fashion at kultura. Kinakatawan ng bawat isa ang iba’t ibang archetype tulad ng Documentarian, ang Nomad at ang Tastemaker, at muling binigyang-buhay ng cast ang sikat na fleece ng Nike sa kanilang sarili at natatanging pananaw.
Tungkol naman sa partisipasyon ni Robbe, kininuha ng Nike ang founder para gumawa ng mga serye ng pasadyang bagay para sa bawat karakter, inspirasyon kung sino sila at kung paano nila ito ipinapahayag sa pamamagitan ng mga bitbit nilang gamit.
Nakipag-usap kami kay Robbe para mas malaman pa ang kuwento sa likod ng girlscarryingshit, ang pakikipagtrabaho sa Nike at kung paano niya planong palawakin ang kanyang ideya ng komunidad.
Basahin ang buong panayam.
Ibahagi mo naman sa amin ang kaunting kwento sa likod ng girlscarryingshit, paano ito nagsimula, at ano ang layunin nito?
Madalas akong gumamit ng Tumblr nung teenager ako, na nakatulong sa aking magkaroon ng mata para sa mga litratong “oddly satisfying,” at interes sa hustisyang panlipunan. Medyo mahiyain din ako sa camera; sa tingin ko, mas maipapakita ng mga bagay na napapansin ko at kinukuhanan ko ng litrato kung sino talaga ako kaysa sa mga litrato ko mismo. Isang bagay na palagi kong napapansin — lalo na pagkatapos kong lumipat sa NYC at naglalakad kahit saan — na talagang nakaagaw ng pansin ko ay ang mga kababaihan at babaeng nagbibitbit ng kung anu-ano.
Gusto kong hulaan kung saan sila pupunta o ano ang gagawin nila base sa mga hawak nila, at naging inspirasyon ko ang iba’t ibang paraan nila kung paano dalhin ang kanilang mga gamit papunta sa iba’t ibang lugar. Isang araw, narealize kong ginagawa ko rin ‘yun (dalawang Red Bull, mga susi, phone, wallet, headphones) at nag-post ako ng litrato nito sa personal kong Instagram story kung saan mayroon akong siguro mga 700 na followers, na may caption na katulad sa bio ng GCS. Nag-swipe up ang mga kaibigan ko at sinabing “Ganyan din ako!” at ginawa ko na ang account na ‘yun nang araw ding iyon. Nagsimula akong mag-post ng mga litrato ko at ng mga kaibigan ko, pagkatapos ay nagsimulang mag-submit ang mga kaibigan ng kaibigan ko, tapos kaibigan ng kaibigan ng kaibigan ko, at iba pa. Ang layunin ko lang ay makita kung hanggang saan ko ito madadala at ano ang magagawa ko habang lumalaki ito. Lalo na, kung paano ko ito magagamit para makatulong sa iba pang kababaihan, mga babae, at non-men, na sa palagay ko’y siyang dahilan kung bakit ako nandito.
Nakakabilib ang halos kalahating milyong followers. Inaasahan mo ba na magiging ganito ang komunidad?
Salamat, at oo! Naging fan ako ng mga accounts na nakabase sa hyperfixation sa iisang, simpleng aspeto ng buhay, kaya alam kong may audience para sa ganitong bagay. Lahat — pagtanggap ng submissions vs. pagkuha ng mga litrato mismo, ang kakulangan ng mukha pero paggamit ng pangalan/tags, ang listahan ng mga bagay sa caption, atbp. — ay isang sinadyang pagpili para lumikha ng pakiramdam ng komunidad sa pagitan ng non-men at para mapalago ang komunidad na ‘yon. Pero hindi lang ito tungkol sa aesthetics, na sa tingin ko ay siyang nagbigay ng longevity dito. Pumupunta ang mga tao para sa litrato, pero nananatili sila para sa kung ano ang kinakatawan nito, na mas malalim, tulad ng hindi pagkakapantay-pantay na nararanasan ng mga kababaihan na sinusubukan kong bawasan sa pamamagitan ng GCS, gamit ang platform na binuo ko at ang mga resources na nakalap ko mula sa platform na ‘yon.
View this post on Instagram
Ano ang pinaka-unique na submission na natanggap mo hanggang sa kasalukuyan?
Nasabi ko na ito dati, pero sa tingin ko, ang reigning champ para sa akin ay ‘yung babae na nag-submit ng kanyang bagong-gupit na ponytail na hawak sa kanyang kamao at isang speeding ticket.
Ngayon, nakipag-partner ka sa Nike para sa kanilang bagong Studio Fleece campaign. Paano nagsimula ang partnership na ito?
Para sa campaign na ito, itinampok ng Nike ang mga community leader na ginagamit ang kanilang platform para gumawa ng pagbabago sa Nike. Hindi lang para i-amplify ang misyon ng bawat isa, kundi para maging inspirasyon din sa iba na gumawa ng pagbabago. Hindi mo kailangang magsuot ng suit o gumamit ng mamahaling gamit para makagawa ng impact; pwede kang magsuot ng magandang hoodie at gamitin ang anumang kasya sa mga kamay mo.
Ang mga taong itinampok sa lookbook ay magandang halimbawa ng mga nagtatrabaho sa kani-kanilang larangan, pero simbolo rin sila para sa iba kung ano ang pwede nilang marating at kung paano tayo pwedeng makagawa ng impact, simula sa ating komunidad. Nakipagpartner sa akin ang Nike dahil iyon ang misyon ko: mag-inspire ng iba na gumawa ng impact, gamit ang mga bagay na nasa kanila (habang aesthetic pa rin, siyempre).
Ano ang masasabi mo tungkol sa naging bahagi mo sa campaign, at sa proseso sa likod nito?
Ako ang umisip sa mga archetypes, sumulat ng kanilang mga descriptions, at nagdesisyon kung anong props ang gagamitin para maiparating ito sa visually. Hiniling din nila na maging isa ako sa mga subjects, na naging very meta, pero masaya. Ang naging proseso ko ay madaming internet stalking para “makilala” ang public-facing personas ng lahat, tapos i-distill kung ano ang mga natutunan ko sa mga tangible na bagay.
Ang napiling prop list ay kombinasyon ng mga bagay na nakita kong dala-dala ng bawat isa sa kanilang mga Instagram photos, mga bagay na inassume ko na dadalhin nila pero wala sa frame (ex., Ang Nomad ay isang biker, kaya nag-assume ako na may bike lock at helmet siya), at mga practical na bagay na alam kong bitbit ng mga tao mula sa 5+ years ko na daily photo study. Pagkatapos, pinalipad ako ng Nike sa London para literal na maging prop-stylist sa bawat shot. ‘Yun siguro ang paborito kong parte, kasi ‘yun ang isa sa pinaka mapili kong aspeto pagdating sa shooting o pagpili ng photos para sa GCS: pagtiyak na ang mga bagay ay hinahawakan sa paraan na natural at aesthetically pleasing.
View this post on Instagram
Ano ang paborito mong bagay na ginawa mo at bakit?
Baka cop out ‘to, pero lahat sila ay naging paborito ko sa iba’t ibang rason. Ang arrangement ni America ay ang pinaka-masaya, physically, dahil ang daming mahahabang bagay na pwedeng iwasiwas (tingnan niyo ang personal page ko, @hallerobbe, para sa BTS kung paano ko sila i-swing sa office para hanapin ang best pose); Ang kay Romaisa naman, nagkaroon ng iterations ng parehong bagay (mga camera) na lahat kailangang hawakan sa iba’t ibang paraan, na isang recurring type ng GCS image na palagi kong satisfying i-arrange.
Sa kay Miriam naman ay may pinaka-feminist slant, na — pagbalanse sa kung ano ang kailangan ng sinuman sa pagpunta sa kalsada at sa kung ano ang dapat, partikular na mga babae, natin bitbitin para sa ating kaligtasan — ay isang bagay na sana maipahayag ko sa bawat image; lahat ng dala-dala ni Aya ay isang bagay na nakita ko na literal na dala-dala niya at dinala pa niya ‘yung mga talagang ginagamit niya, na nakasagot sa aking matinding pagnanasa para sa pagiging totoo; at ang imahe ng aking sarili ay may espesyal na lugar sa aking puso dahil ito ang recreation ng unang set ng “mga gamit” na ipinost ko, na nagpasimula ng lahat.
Ano ang mga dala mo ngayon at ano ang sinasabi nito tungkol sa’yo?
Ngayon, naging light lang ako at dinala ko ang sarili ko, mga susi, wallet, headphones, at isang kape papunta sa GCS studio para makapagtrabaho. Weekend na ngayon, kaya siguro sinasabi nitong workaholic ako (totoo naman).
Para sa panghuli, paano mo nakikita ang paglago ng komunidad?
Kamakailan lang ay in-announce ko ang GCS Studio, na isang 900 sq ft space sa Brooklyn, na may intensyong gumawa ng third space para sa GCS community. Ang plano ay para magamit ito ng non-men sa mga creative projects, educational programming, at events — maaaring sa abot-kayang presyo, bilang kapalit ng produkto/serbisyo, o (depende sa project) kahit libre. Napakaraming magandang idea na hindi nagkakatotoo dahil sa kakulangan sa resources. Gusto kong makatulong ang GCS Studio na ma-close ang gap na ‘yon at bigyan ang non-men ng springboard para maabot ang mga pangarap nila, kung paano naging springboard sa akin ang GCS.