Kumustahan With Emerging Designer Julie Kegels About Her FW26 Show
“Ang goal ko ay bumuo ng sariling design language na agad makikilala—kung saan ang silhouette at construction na mismo ang nagsasalita.”
Walang entabladong maihahambing sa Paris. Bilang pinakamatagal at pinakampanghamong destinasyon sa global circuit ng fashion month, Paris Fashion Week ang nananatiling pinakamataas na entablado ng pagsubok, kung saan ang mga heritage house ang bumabanderang pangunahing palabas. Para sa mga bagong designer, maaaring makaramdam na mabagsik at matindi ang French capital, kaya marami ang pumipili ng London, isang lungsod na kilala sa pag-alaga at paghubog ng bagong talento, kaysa isugal na matabunan ng pinakamalalaking pangalan sa industriya. Pero si Julie Kegels ay hindi kailanman umaatras sa spotlight.
Nagtapos mula sa Royal Academy of Fine Arts sa Antwerp, ang Belgian designer ay inilunsad ang kanyang namesake label noong 2024 at unang sumabak sa Paris Fashion Week para sa FW24 season. Sa maikling panahon, na-ukit na ni Kegels ang isang natatanging boses sa bagong henerasyon ng fashion, hinahamon ang tradisyonal na konsepto ng kontemporaryong karangyaan sa pamamagitan ng maselang pag-explore sa iba’t ibang babaeng arketipo. Pinagbabalanse ng kanyang mga koleksiyon ang kariktan at laro, inaanyayahan ang nagsusuot na yakapin ang mga kontradiksiyon tulad ng istruktura at pagiging kusa, nang hindi ikinakahon sa iisang identidad.
Maaari mo bang ikuwento nang kaunti ang tungkol sa iyong brand at kung paano ka nagsimula sa pagdidisenyo?
Nagsimula sa simpleng kuryosidad ang lahat at humantong sa mas malalim na konseptuwal na pag-explore. Ang brand ko ngayon ay nasa sangandaan ng kariktan at vulnerability. Hinahatak ako ng tensiyon sa pagitan ng istruktura at pinong pagkapurtil: sa pagitan ng kontrol at kaguluhan, at sinusubukan kong isalin ang duality na iyon sa pamamagitan ng konstruksyon at pagku-kuwento.
Paano mo ilalarawan ang iyong pinakabagong koleksiyon?
Umiikot ang pinakabagong koleksiyon sa ideya ng “quick change,” ang mabilis na pagbabagong pinagdaraanan ng kababaihan sa loob lamang ng isang araw. Sinusuri nito kung paano nag-iiba ang identidad sa iba’t ibang papel: propesyonal, intimate, pampubliko, pribado.
Kaka-launch mo lang noong 2024. Paano ka nakalundag mula sa paglikha ng iyong unang koleksiyon hanggang sa makarating sa Paris Fashion Week?
Sa totoo lang, hindi ko masyadong pinag-isipan. Nangyari siya nang organiko pero matindi. Nagsikap ako nang husto at nakita ko kung paano nito ako maisusulong pa.
Ano ang maibabahagi mo tungkol sa iyong design process? Paano umuusad ang isang koleksiyon mula sa unang ideya hanggang sa paglabas nito?
Lagi itong nagsisimula sa isang tanong o pag-uusap. Kadalasan, sinisimulan ko sa personal o emosyonal na research at saka ko isinasalin ang mga ideyang iyon sa pagpuputol at maliliit na construction test o manipulasyon. Napaka-hands-on ko magtrabaho, at maraming bagay ang lumilitaw habang nag-eeksperimento. Kapag malinaw na ang mga hugis, pinipino namin ang proporsiyon, pinipili ang tamang tela at pinakikinis ang finishing touches. Sa huli, tungkol ito sa kabuuang kuwento: ang casting, styling, musika at kung paano gumagalaw ang mga damit. Ang show mismo, lalo na kapag may live transformations, ay nagiging bahagi ng disenyo.
Nakalagay sa iyong website na humuhugot ka mula sa personal na mga alaala. Maaari ka bang magbahagi ng ilang alaala na naka-inspire sa iyo?
Nahuhumaling ako sa maliliit, intimate na sandali ng transisyon—kapag may taong nagbabago, umaangkop o pumapasok sa bagong papel. Hindi lang ito tungkol sa kababaihan, kundi sa human transformation sa pangkalahatan. Madalas ko ring balik-balikan ang mga kasuotang tumatak sa mahahalagang emosyon tulad ng pagiging malaya, matatag o marupok. Ang mga personal na alaalang iyon ang tahimik na humuhubog sa silhouettes, hiwa at detalye ng aking mga disenyo.
May paborito ka bang pirasong nadisenyo mo? Bakit iyon?
Lahat ng piraso, para akong inaatake sa puso sa kakaibang halo ng saya at nerbiyos na dala nila.
Ano ang maaasahan namin mula sa iyong brand sa hinaharap? Ano ang tinatrabaho mong makamit?
Gusto ko pang paunlarin ang konseptuwal na identidad ng brand habang lalo pang pinapino ang craftsmanship. Target kong makalikha ng design language na agad makikilala, kung saan ang silhouette at konstruksyon ang mismong nagsasalita. Bawat koleksiyon ay may ibang kuwento, pero iisa ang boses.



















