Mas Kailangan ng Nail Art sa Women’s Sports
Matagal nang minamaliit ang beauty sa sports, pero ilang paborito nating atleta — at ang mga kuko nila — ang kumakalas sa lumang pananaw.
Hindi madaling ipakita ang tunay mong personalidad kapag naglalaro ka ng sport, lalo na kung isa ka lang sa napakaraming bahagi ng isang higanteng team effort. Ang magkakatugmang uniporme—madalas mula ulo hanggang paa—halos imposibleng lagyan ng kahit kaunting personal na pirma ang game day look mo. Pero kahit gano’n, ang mga paborito nating mga atleta ay laging nakakahanap ng paraan para mangibabaw. Madalas, sa matatapang na hairstyle at maliliit na paandar sa uniporme nila na nagiging signature nila. Isa sa mga paraan na dinadala ng mga atleta ang personal na style nila sa pitch at kung saan-saan pa ay sa kanilang mga kuko.
Nail art ang inaabangan ngayon, mula polka dots at stripes hanggang cat-eye polish at maseselang disenyo na bumabaha sa Instagram Explore pages at mga Pinterest moodboard. Para sa mga atletang pinaka-fashion-forward, ang funky nails ang isa sa kakaunting paraan para manatiling fresh ang itsura nila sa field. Sa mga sport tulad ng basketball, maaaring hindi pinaka-praktikal ang mahahabang acrylic at 3D na disenyo, pero para sa karamihan sa kanila, iyon lang ang feel nilang paraan.
Trinity Rodman, Reilyn Turner, Simone Biles at marami pang iba ang kilala sa pagsusuot ng acrylic nails sa iba’t ibang hugis, haba at kulay. Para sa mga bagay na kasing liit nito, kapansin-pansin sila sa malaking screen—lalo pang inaagaw ang atensyon kay Rodman habang umiikot siya pababa sa soccer field, o kay Biles habang tila lumilipad sa ere ang mga braso at binti niya sa uneven bars at beam.
Kung pag-uusapan natin ang mga atleta at kuko, kailangan nating magsimula sa orihinal na blueprint. Si Florence Griffith Joyner ang isa sa unang pangalang pumapasok sa isip kapag pinag-uusapan ang sports at nail art. Minsan na siyang naging pinakamabilis na babae sa mundo at habambuhay na icon ng track; noong ’80s, halos naging magkasingkahulugan na ang pangalan niya at ang kaniyang mga kuko.
Isa si Flo-Jo sa mga unang atleta na nag-rock ng mahahabang acrylic nails, pinatutunayang hindi sila sagabal sa performance kundi kailangang accessory para i-level up ang mga gold-medal photoshoot at ang paglipad sa rubber track. Sa mga kukong sobrang haba na kumukurba, itinakda niya ang napakaraming nail trend na nakikita natin ngayon—mga dekada bago pa ito naging buwanang ritual.
Matagal nang may paniniwalang hindi bagay ang beauty at sports, pero sinubukan ni Griffith Joyner na gibain ang pader sa pagitan ng dalawa. Ngayon, si Sha’Carri Richardson ang nagdadala ng kaniyang pamana sa track. Isa pang American generational talent, ang track-and-field aesthetic ni Richardson ay may parehong maraming humahanga at maraming bumabatikos. May nagsasabing ang makukulay niyang buhok at matitinding nail design ay sagabal o “sobra” para sa sport, pero modernong reinterpretation lang iyon ng sinimulan ni Griffith Joyner noon pa man.
Mahahaba, maangas at nakakabighani ang acrylics ni Richardson, bawat kuko may iba-ibang hugis, kulay at pattern. Noong 2024 Olympics sa Paris, ilang set ng acrylics ang sinuot niya, at tila nagpapalit ang mga kuko niya kada ilang araw—inaagaw ang atensyon ng media gaya ng mga performance niyang pang-medalya. Kahit si Richardson ang pinaka-bongga ngayon, hindi siya nag-iisang atleta na nangunguna sa nail art movement.
Ang gymnast at Olympic medalist na si Jordan Chiles ay kilala sa kaniyang nail designs, laging may trendy na estilo sa floor habang siya’y lumalaban. Sa tennis court, si Coco Gauff ay madalas ipinapareha ang mga kuko niya sa kaniyang mga New Balance kit, pinipili ang mga pangunahing kulay, motif at mga tennis ball design bilang inspirasyon sa bawat serve niya sa bawat Grand Slam.
Oo, tuloy-tuloy ang pag-fuel ng mga atleta sa sporty nail art fantasy natin, pero bitin pa rin tayo. Ilang malalaking pangalan dito’t doon ay parang kulang, lalo na ngayong sumasabog ang paglago ng women’s sports sa buong mundo. Mukhang nananatili pa rin ang ideya na ang nail art at kagandahan sa women’s sports ay mababaw at hindi seryoso. Sa mundong patuloy pang nakikipaglaban ang mga babaeng atleta para seryosohin, hindi nakapagtatakang marami ang umiiwas sa spotlight na dala ng mahahabang acrylics o matingkad, abstract na artwork.
Ang mga atletang nagsusuot ng makeup, acrylics at mga hairstyle na sinasabing “over-the-top” ay labis na pinupuna dahil sa mga hilig at trend na normal lang naman para sa karaniwang babae. Iba at halos imposibleng standard ang ibinabato ng lipunan sa mga atleta, ipinipilit sa mga babae sa sports ang values at expectations na nakasanayan para sa mga lalaking atleta. Ang higpit at konserbatibong kalakaran sa men’s sports ay hindi bagay sa inklusibo at mabilis lumagong kulturang binubuo ng iba’t ibang women’s leagues. Panahon nang kumawala sa hulma ng men’s sports—at puwedeng ang nail art ang perpektong paraan para gawin iyon.
Kahit mayroon pang mga pananaw na kailangang himayin at kalimutan, may mga senyales na umaangat na ang lahat. Ang New York-based nail artist na si Nika Belilovsky sa kaniyang trabaho kasama ang NWSL side na Gotham FC ay nagdala sa kaniya mula sa pag-curate ng press-ons at nail art para sa mga stadium pop-up hanggang sa pagdisenyo ng espesyal na gameday nails para sa goalkeeper na si Teagan Wy.
May malinaw nang merkado para sa nail art sa women’s sports, at sa bagong henerasyon ng mga atletang umaangat, malamang mas lalo pa natin itong makikita. Sa ngayon, iilan pa lang ang atletang may puwesto sa nail appointment moodboard natin, pero bigyan mo pa ng ilang taon—posibleng maging bagong obsession na ng nail tech mo ang sports.



















