Itinalaga ng Giorgio Armani si J Balvin bilang pinakabagong U.S. Fragrance Ambassador nito. Ang reggaeton singer ang magiging mukha ng bago nitong pabango, ang “I WILL” Eau de Parfum. Hango ang partnership sa sariling kuwento ni Balvin—isang artistang kilala sa paghubog muli sa pandaigdigang musika habang nananatiling nakaugat sa kaniyang identidad bilang Kolombiyano. Ayon sa Armani, ang dualidad na ito ay sumasalamin sa mensahe ng pabango tungkol sa determinasyon at panloob na lakas.
“Ang ‘I WILL’ ay hindi lamang isang parirala; isa itong pangakong ibinibigay mo sa sarili mo,” sabi ni Balvin sa isang pahayag para sa media. “Nagsimula ang lahat sa buhay ko sa paniniwalang posible ang isang bagay, saka sa determinasyong maisakatuparan ito. Matagal ko nang hinahangaan ang Giorgio Armani dahil sa kumpiyansa, elegante at walang-kupas na pagkamalikhain na ipinapakita ng brand, kaya malaking karangalan para sa akin na katawanin ang isang pabangong may mensaheng napakapersonal para sa akin.”
View this post on Instagram
Likha ng mga perfumer na sina Alberto Morillas at Nathalie Lorson, ang “I WILL” ang una sa mga dark vanilla fragrance ng Armani. Pinagpares nito ang mausok na vanilla base at makahoy na leather notes para sa isang amoy na inilalarawan ng brand bilang “nakaaadik, sensuwal at tumatagal.” Makikita rin sa bote ang dualidad ng amoy nito: ang matte-frosted na itim na bahagi sa may balikat ay unti-unting nagiging transparent sa base.
Ang “I WILL” Eau de Parfum ay nagkakahalaga ng US$170 at mabibili sa website ng brand.
Sa iba pang balita, kakalabas lang ng Louis Vuitton ng makeup collection sa pakikipagtulungan nina Pat McGrath at Nicolas Ghesquière.



