Ang Bagong PUMA Collab ni Priya Ahluwalia ay Isang Love Letter para sa Komunidad
Kinumusta namin ang designer para alamin ang kuwento sa likod ng kanyang pinakabagong collaboration at kung saan nanggagaling ang pagmamahal niya sa beautiful game.
Ang footballay higit pa sa simpleng isport. May kapangyarihan itong maglapit ng mga taong hindi magkakakilala, magdikta ng mga uso sa fashion at maging parang relihiyon na rin sa ilang pamilya. Isa itong karanasang may koneksyon ang karamihan sa atin, kahit ‘yung mga hindi man lang naglaro. Maaaring sa panonood ng laban kasama ang pamilya, sa pag-cheer sa women’s teams mula sa gilid ng field, o sa paglalaro kasama ang mga batang kapitbahay noong lumalaki pa tayo—malamang lahat tayo ay kahit papaano ay nagkaroon ng access dito sa iba’t ibang bahagi ng buhay natin.
Kaya nang si Priya Ahluwalia ay umupo kasama ang PUMApara idisenyo ang susunod nilang koleksiyon, malinaw na agad ang inspirasyon. Kasunod ng unang collab ng dalawa, kung saan nire-interpret muli ng designer ang klasikong PUMA Suede, nakatakda na talagang mas malaki at mas bongga ang kasunod na release, na sumisiyasat sa matinding pagmamahal ni Ahluwalia sa ‘the beautiful game.’
Umiikot sa VS-1 silhouette at sa sporty nitong heritage, tumingin si Ahluwalia sa mundo ng football at sa impluwensiya nito sa komunidad—mula sa grassroots games hanggang sa global aesthetics. Sa paglabas ng buong koleksiyon, nakausap namin ang designer para alamin pa ang tungkol sa proseso, sa campaign, at sa hindi na masyadong secret na follow-up.
Ituloy ang pagbabasa para sa buong interview at tumungo sa website ng PUMA para i-shop ang bagong collaboration.
Pangalawang beses mo nang nakaka-collab ang PUMA, at ngayon ay tungkol na ito sa footwear, damit at accessories. Ano ang maibabahagi mo tungkol sa desisyon na magtrabaho ulit kayo nang magkasama?
Alam na namin mula pa sa simula na dalawa man lang ang gagawin naming proyekto, at bahagi na talaga ng plano na unahin ko ang isang silhouette bago kami mag-move sa mas malaking koleksiyon. Ang interesting talagang makipagtrabaho sa mas malalaking kumpanya, dahil mas mahaba ang critical path nila, at sa totoo lang, sobrang tagal na nang sinimulan ang disenyo ng koleksiyong ito. Halos kaagad pagkatapos kong i-design ang unang sapatos, nagsimula na kaming magtrabaho rito. Para sa unang drop, gusto ng PUMA na tingnan ko ang Suede silhouette, at para sa second drop, mas marami nang options at isa na roon ang V-S1. Gaya ng alam n’yo, mahal ko ang football, kaya gusto ko talagang magbigay ng sariling take doon at buuin ang koleksiyon mula roon.
Inilalarawan ang campaign bilang isang love letter sa African football, at malinaw naman na malaking bahagi ng koleksiyon ang mga footwear silhouette. Ano ang naging karanasan mo sa sport sa paglipas ng mga taon?
Matagal na akong football fan. Suporter na ako ng Arsenal mula pa nang lumabas ako sa tiyan ng nanay ko, at Arsenal family kami. Naalala ko noong lumalaki ako, naglalaro kami ng football sa kalye kasama ang mga kapitbahay ko at mga batang malapit sa amin hanggang lumubog ang araw. Hindi naman ako gano’n kagaling maglaro, pero lagi akong may tuwa na nakukuha rito. Mas malapit ako sa performing arts, pero palagi kong tinitingnan ang football bilang something na sobrang saya.
Habang lumalaki ka, naglalaro ka ng football kasama ang mga taong ni hindi mo kilala ang pangalan. Nakita ko talaga na isa itong bagay na tunay na nag-uugnay sa mga tao, at para sa akin, napakaespesyal noon. Nang dumating ang proyektong ito, iniisip ko lahat ng bagay na mahal ko tungkol dito, at tingin ko, napaka-demokratiko nito, lalo na sa grassroots football—puwedeng maglaro ang kahit sino. Kumuha ka lang ng bola at puwede ka nang maglaro kung saan ka man naroon, anumang oras mo gusto.
Gusto ko ang komunidad na nabubuo sa paligid ng football. Medyo tribal ito sa paraang hindi laging maganda, pero pinagdudugtong din nito ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan at paniniwala. Mas naka-focus ako sa kung ano ang nagagawa nito para sa komunidad, at doon ako humugot ng inspirasyon—mula sa grassroots level—para sa koleksiyong ito.
Parang isa ito sa iilang sports na halos lahat ay may kahit konting karanasan o koneksyon, ‘di ba? Kumusta naman ang naging creative process sa likod ng koleksiyon? Ano ang pinakaunang bagay na sinimulan mo?
Dahil alam ko na nang maaga pa lang na ang V-S1 ang gagawin ko, iniisip ko na agad ang konsepto ng football sa loob ng komunidad. Kamakailan lang akong nanood ng Arsenal game, at kapag nasa stadium ka, makikita mo ang iba’t ibang Gooner community flags kung saan-saan—tulad ng Nigerian Gooners at Indian Gooners. Gustung-gusto ko kung paanong lumalagpas ang fandom sa lugar kung nasaan ka, at kung paanong ang isang tao sa kabilang panig ng mundo ay puwedeng magkaroon ng affinity sa isang club. Arsenal family kami, pero ang tatay ko, Manchester United ang sinusuportahan at nakatira siya sa Lagos. (Pinag-aawayan namin ‘yan palagi.)
Kapag nasa Nigeria ka, o sa Africa in general, makikita mo ang football kahit saan, at ang mga fans nito sa buong kontinente. Iniisip ko ‘yung pakiramdam na ‘yon, ang aesthetic niyon sa design process, lalo na sa konteksto ng West Africa. Tumingin din ako sa photography at art mula sa rehiyon, at sa mga litrato ng fans na may bitbit na mga karatula at mga dagsa ng tao sa stands. Doon talaga ako nagsimulang pag-isipan ang color palette, mga tekstura, mga tono, at pati na rin ang graphic application.
May paborito ka bang piraso mula sa koleksiyon, o isang talagang ipinagmamalaki mo?
Ako ang nagdisenyo ng lahat, kaya proud ako sa lahat! Pero pinaka-excited akong i-rock ang trainers. Excited ako na talagang sinisid ko ang Puma archive, at tingin ko, ang naging resulta ay isang napakagandang pagsasanib ng dalawang brand. Makikita ito ng mga tao sa kalye at agad nilang malalaman na Ahluwalia at PUMA ito. ‘Yan ang talagang nakapagpapasaya sa akin. May mga elemento sa design at sa color palette na sa tingin ko ay sobrang tatagos sa puso ng mga taong galing sa Global South.
Pakiramdam ko, makikita ito ng mga tao at makakaramdam sila ng affinity para rito, dahil talagang tungkol ito sa kanila. Namamayagpag ang African athletes sa sports, at ewan ko kung nabibigyan ba talaga sila ng tamang pagdiriwang para roon. Kaya parang love letter ito sa kung gaano kalaki ang kayang baguhin ng sport sa buhay ng tao, at kung paano ito nakakapagbuo ng komunidad.
Paano mo tinitiyak na balanse ang mga collab na ginagawa mo pagdating sa branding at kung ano ang lumalabas sa produkto—na walang sobrang nangingibabaw na isa sa inyo?
Sa tingin ko, ang pribilehiyo ng ganitong klase ng collaboration ay niyayaya kaming gawin ito dahil may tiwala ang mga brand sa amin. Una pa lang, lumilikha na iyon ng napaka-open na atmosphere, at sa tingin ko, isa ito sa pinakamadadaling design process na naranasan ko. Ang saya dahil nakapunta ako sa Germany. Nasa archive ako nang ilang oras, at pagkatapos, literal kaming umupo nang magkakasama at nag-sketch ako kasama ang team. Medyo mabilis ang takbo, pero palitan talaga kami ng ideya nang harapan. Napaka-natural lang ng buong proseso.
Para sa akin, trabaho ng isang collaborator ang mag-push. Kung mas maliit kang brand, tungkulin mong itulak ang mas malaking brand na lumabas sa comfort zone nito at gumawa ng isang bagay na tapat pa rin sa brand at sa esensiya nito. Gusto ko talagang maging mas sporty ang campaign na ito, na hindi naman talaga ginagawa namin sa Ahluwalia dati. Gustung-gusto ko ang Puma slogan na “Forever faster.” Ang chic niya, kaya nilagay ko siya sa likod ng shirt. Napakagandang mantra, at gusto kong makuha ‘yung energy na ‘yon sa campaign.
Ano ang tingin mo sa lumalakas na impluwensiya ng sport sa fashion? Mukha ba itong trend lang na nangyayari ngayon, o sa palagay mo, isang pangmatagalang relasyon itong tuloy-tuloy na nag-e-evolve?
Sa tingin ko, pangmatagalan ito at patuloy na nag-e-evolve. Nariyan na palagi ang impluwensiya ng sport sa fashion, pero naging usapin din ito ng class. Noong lumalaki ako sa South London, nakatira ako sa isang estate at halos lahat ay naka-sportswear. Apektado ng sport ang araw-araw na pananamit ng tao; sporty ang suot ng karamihan. Ganoon talaga para sa mga taong may partikular na socioeconomic background. Matagal nang malaking bagay ang sport.
Sa tingin ko, ang kaibahan ngayon ay dati, hindi naman talaga tinitingnang style icons ang mga footballer, pero ngayon, oo na—dahil mas konektado na ang mundo, may digital footprint na sila at may sarili na silang stylists. Mas malakas na ang impluwensiya ng football ngayon, at mas lantad na sa publiko ang mga player profile. Hindi ka na basta footballer lang. Medyo katawa-tawa kung hindi makikipag-ugnayan ang fashion doon, dahil sobrang impluwensiyal nila.
Para sa amin bilang brand, matagal na kaming sumusuporta sa mga atleta sa iba’t ibang sports. Lagi kaming may ilang atleta sa front row. Kahit tungkol sa grassroots feeling ang koleksiyong ito, para sa akin, ang mga atleta ang ilan sa pinaka-inspirational na tao sa mundo. Kamakailan lang naming binihisan si Amber Anning, at si Gabby Thomas naman sa Met Gala noong nakaraang taon. Kapag tinanong mo sila tungkol sa schedule nila, nakakabaliw talaga. Kuwento ni Amber, nag-sprint siya araw-araw at nagte-training nang hindi bababa sa apat na oras bawat araw. Parang, ano ba ‘yan?! Grabe ‘yon. ‘Yung purong dedikasyon sa isang bagay, talagang hinahangaan ko. Sa tingin ko, marami talagang puwedeng matutunan ang mga tao mula roon.
Final question: puwede ba kaming umasa sa part three mula sa Puma at Ahluwalia? Saang direksyon mo nakikitang patungo ang susunod na collab—kung magkakaroon man? Nasa isip mo na ba ito?
Working on it… Sa ngayon, ‘yan lang ang kaya kong sabihin, pero may ginagawa na kami. Anong direksyon ang tatahakin nito? Hindi pa namin napagpapasyahan.



















