Maging Sandigan Mo ang Bagong Album ni LEE CHAEYEON
“Gusto kong magbahagi ng mensahe tungkol sa patuloy na pag-usad sa sarili mong paraan, anuman ang sitwasyon.”
Lee Chaeyeon ay nagbabalik na may panibagong record—at ito na ang pinaka-personal at pinaka-lantad niyang obra hanggang ngayon. Ang K-pop soloist at dating miyembro ng IZ*ONE ay kakalabas lang ng kanyang ika-apat na mini album na pinamagatang Till I Die, isang koleksiyong maselan, makinis at kakaiba sa mga nauna niyang ginawa. Higit pa ito sa simpleng pagpapakitang-gilas ng kanyang performance skills; nagmamarka ito ng panibagong defining chapter sa kanyang karera, kung saan buong-buo niyang hinuhukay at ipinapakita ang kanyang artistic identity sa pamamagitan ng kanta at sayaw.
Taglay ang malinaw na passion para sa performance, hinuhubad ng album ang mga emosyong kaakibat ng pagiging nasa spotlight—mula sa pag-aalinlangan at pagiging marupok hanggang sa hindi matinag na determinasyon. Hango ang tunog sa iba’t ibang genre tulad ng hip hop, R&B at dance-pop, na may sangkaterbang Y2K references at matitinding ritmo. Sa malambing at banayad niyang boses, nagmumuni si Chaeyeon tungkol sa kanyang paghilom at paglago, bitbit ang masigla at puno-ng-pag-asang pananaw sa hinaharap.
Nakipagkuwentuhan kami sa artist para pag-usapan ang bagong release, ang sari-saring impluwensiya at kung ano ang pakiramdam ng maging ganito ka-lantad at tapat. Magpatuloy sa pagbasa para sa buong interview.
Maaari mo bang ikuwento nang kaunti ang tungkol sa sarili mo at kung paano ka nagsimula sa musika?
Mula pa noong bata ako, mahilig na akong manood ng music videos ng mga girl group at sumasabay ako sa choreography. Nang nagsimula akong pumasok sa dance classes, natural na nadevelop ang interes ko sa musika at performance—at nananatili ang passion na iyon hanggang ngayon.
Kakalabas mo lang ng iyong ika-apat na album, Till I Die. Ano-ano ang naging inspirasyon sa likod ng proyektong ito?
Till I Die ang album na pinakamapatapat na sumasalamin kung sino ako sa kasalukuyan. Nakasentro ito sa mga emosyong nararamdaman ko, sa mga sitwasyong kinalalagyan ko ngayon at sa taos-puso kong pananaw sa entablado. Ang buong prosesong iyon ang naging pinakamalaking pinaghugutan ng inspirasyon para sa proyektong ito.
Sobrang personal ng record na ito. Kumusta ang naging karanasan ng pagiging ganito ka-hubad at ka-tapat sa damdamin?
Hindi madali ang magbukas at ipakita ang tunay kong nararamdaman. Paulit-ulit kong iniisip kung makaka-relate nga ba ang mga tao sa ganitong mga emosyonal na sandali, at nag-aalala ako na baka masyado itong mabigat para sa kanila. Pero kasabay niyon, naramdaman ko na kung hindi ngayon—sa mismong panahong ito at sa ganitong sitwasyon—baka hindi ko na muling maipahayag ang ganitong mood. Isa rin itong proseso ng pagpapakita kung sino talaga ako, at para sa akin, iyon ang pinakamahalagang bahagi ng album na ito.
Ang focus track ay pinamagatang “No Tears On The Dancefloor.” Maaari mo bang ikuwento ang kuwento sa likod ng kantang ito?
Ang “No Tears On The Dancefloor” ay tungkol sa pagpili na magpatuloy at umusad, kahit sa pinakamahirap na sandali. Nagsimula ito sa ideya na anuman ang bigat ng emosyong dala-dala ko, gusto ko itong gawing enerhiya sa entablado.
Mayroon ka bang mensaheng nais baunin ng listeners matapos pakinggan ang album?
Gusto kong ibahagi ang mensahe na magpatuloy sa sariling paraan, ano man ang sitwasyon. Umaasa ako na kahit paano, maging munting sandigan at lakas ang album na ito para sa isang tao.
Maganda ang pagkakabalanse ng iba’t ibang impluwensiya sa album—may hip-hop, R&B at dance-pop tracks. Paano mo ilalarawan ang kabuuang tunog mo bilang artist?
Sa halip na ikahon ang musika ko sa isang genre, tinitingnan ko ito bilang performance-driven na estilo na natural na naghahalo ng iba’t ibang genre. Sa loob niyon, patuloy kong binubuo ang sarili kong natatanging kulay.
Dati kang miyembro ng grupong IZ*ONE. Ano ang mga natutunan mo mula sa karanasang iyon?
Natutuhan kong pahalagahan ang pagkilos bilang isang team at ang malalim na pananagutan sa entablado. Naging malaking pundasyon ang mga karanasang iyon sa kung sino ako ngayon.
Ano ang isang bagay tungkol sa iyo na tingin mong ikagugulat ng fans?
Maaaring mukha akong sobrang energetic sa entablado, pero sa araw-araw na buhay ko, mas gusto ko talagang tahimik at relaxed lang. Sa tingin ko, magugulat ang ilang tao sa ganoong contrast.
Ano ang maaari naming asahan mula sa iyo sa susunod?
Habang nagpapatuloy ako, gusto kong patuloy na magpakita ng iba’t ibang panig ng sarili ko sa pamamagitan ng sari-saring uri ng musika at performances. Nais kong lumikha ng mga entabladong tunay na nagbibigay ng excitement at thrill sa mga tao, at ang pinakamalaki kong goal ay mas madalas na makita ang mga fans na dala ang mas hinog at mas mature na bersyon ng sarili ko.



















