Shankar: Ang Brand na Pinag-iisa ang Sartorial Style at South Asian Heritage
Kinausap namin ang founder na si Jivan Purewal tungkol sa pinagmulan ng brand, koneksyon nito sa kanyang kultura, at mga plano para sa hinaharap.
Hango sa estetika ng mga tulad nina Drole De Monsieur at Jaipur Rugs, ang umuusbong na brand na Shankar ay isinilang mula sa hangaring pangalagaan ang sining-kamay, ipagdiwang ang pamana, at itaguyod ang malayang pagpapahayag ng sarili. Itinatag nina Jivan Purewal at ng asawa niyang si Simran, ipinangalan ang brand sa baryo ng lolo ni Purewal sa Punjab, at humuhugot ito ng inspirasyon mula sa tradisyunal na musika, arkitektura, at sa mismong pagpapalaki sa kanya.
Inilarawan ni Purewal bilang “isang East-meets-West na kuwento,” pinaghahalo ng brand ang payak na simulain sa India at isang natatanging Italian sartorialism, na nagbubunga ng label na malalim ang ugat sa storytelling, sining-kamay, at kultura. Hinubog ng disenyo ng Indian architecture at mga gusali (na tuwirang isinasalin sa disenyo ng mga damit), nag-aalok ang Shankar ng paraan para mapreserba ang tradisyunal na mga teknik habang marahan itong iniaangat tungo sa hinaharap.
Nakipagkuwentuhan kami kay Purewal para alamin pa ang naging mitsa sa likod ng brand, ang paglipat mula bespoke tungo sa ready-to-wear, at ang mga inaasahan niya para sa kinabukasan ng Shankar.
Ituloy ang pagbasa para sa buong panayam at tumungo sa website ng brand para sa karagdagang detalye.
Kuwentuhan mo ako nang kaunti tungkol sa naging motibasyon sa paglikha ng brand. Ano ang naging tunay na mitsa para sa’yo?
Hindi ako nanggaling sa artistic o fashion background. Economics ang pinag-aralan ko, kaya hanggang ngayon nasa mundo lang talaga ako ng finance at corporate. Pero palagi akong malalim ang koneksiyon sa aking pinagmulan, sa pagpapalaki sa akin, at sa kulturang Punjabi na kinalakhan ko. Ang brand ay parang cocktail—isang halo ng dalawang kultura—dahil ipinanganak at lumaki ako sa UK, pero matindi ang kapit ko sa aking mga ugat. Sa totoo lang, natuto lang akong mag-Ingles noong anim na taong gulang ako, dahil kalahati ng taon ay nasa baryo ng lolo ko ako sa Punjab, ang Shankar, na siyang pangalan ng brand.
Dumating sa punto na bumisita ako sa India nang anim na buwan para lang sa Shankar, bilang isang research project. Tiningnan ko ang napakalumang mga teknik na doon ko pinaghusayan, at sa marami sa mga teknik na natuklasan ko, narealize ko, “Galing ito sa India. Ito ang kultura natin.”
Noong lockdown, inaalagaan ko ang lolo ko na kakaopera lang, at magkasama kaming nagbabalik-tanaw sa mga lumang family album ng school photos. Ang paraan nila manamit noong araw ay kahanga-hanga—hindi sila lalabas ng bahay nang hindi naka–double-breasted suit at kurbata. Doon ako nagkaroon ng lightbulb moment, at sa sandaling iyon, basta na lang sumulpot sa isip ko ang ideya.
Palagi kong gustong magbigay-pugay sa lugar kung saan nagsimula ang kuwento ko. Sa umpisa, hindi ko alam kung saang channel ko gustong ilabas iyon, at nagkataon lang na fashion ang naging medium. Full-time ako sa family business—ang pagpapatakbo ng convenience stores at pagbebenta ng Mars bars. Ang Shankar ang nagsisilbi kong creative outlet.
Para sa mga hindi pa pamilyar sa Shankar, ano ang gusto mong malaman nila tungkol sa brand at sa misyon nito?
Para sa akin, ang misyon namin—at matibay ang paniniwala ko rito—ay kailangan nating magbigay-pugay sa ating pinagmulan. Napakahalaga na huwag nating kalimutan ang mga ugat at pinagmulan ng mga ninuno natin na nauna sa atin, at kung ano ang ginawa nila para masimulan ang paglalakbay natin.
Bawat disenyo namin ay mano-manong iginuguhit at idinidisenyo. Seryoso naming tinututukan ang konsepto ng slow fashion. Palagi ko itong sinasabi tungkol sa Shankar: hindi kami ang brand na laging magtatangka maging pinakamalaki. Baka hindi nga kami makalapit sa pinakamalalaking brand. Pero para sa amin, kalidad bago dami—and nagsisimula iyon sa mismong proseso ng pagdidisenyo.
Ikuwento mo sa amin ang creative process mo. Bilang isang bagong brand na nagdidisenyo ng mga koleksiyon sa unang pagkakataon, paano ka nagsisimula?
Nasa merkado tayo ngayon kung saan ang pinakamalalaking brand ay tuluy-tuloy lang sa paglabas ng bagong koleksiyon dahil may mga team sila at nakasandig sila sa fast fashion. Para sa amin, may tunay na saysay ang bawat garment—mula sa umpisa ng pagdidisenyo, sa telang gamit, hanggang sa taong nasa likod ng komposisyon nito. Bilang brand, mga cultural storyteller kami, at mahalaga ang visuals. Mula pa lang sa simula, tungkol na ito sa storytelling at sa pag-asang mahila namin ang emosyon ng end user, bilhin man nila ito o hindi. Isa itong anyo ng, masasabi na nating, pagpapahalaga o isang uri ng resonance na maaari nilang maramdaman para rito.
Saan mo masasabi nanggagaling ang inspirasyon mo?
Napakaliit ng team namin—literal na kaming mag-asawa lang. Sa totoo lang, isang WhatsApp group lang ito kasama sina mom at dad, kung saan kami nagpapadala ng lahat ng inspirasyon. Lagi akong may baon na mga ideya. Matagal na akong malaking tagahanga ng Mughal architecture at anumang may kinalaman sa mga Mughal palaces. Matagal na itong malaking pinagmumulan ng inspirasyon para sa akin, at dahil nakikita ko ito sa baryo namin, gusto ko itong mabigyang-buhay.
Para sa huling koleksiyon, sinimulan kong pagmasdan ang mga motif sa gusali, sa mga border, at literal namin silang tinrace nang mano-mano. Pagkatapos, iginuhit namin sila at ipininta. Sa estetika, palagi akong nai-inspire ng konsepto ng old money, old sport, at ng Italian na uri ng sartorial elegance. Nandoon ang matapang na pagkakalagay ng mga motif, ang mga Cuban-style resort shirt at ang mga oversized na double-breasted suit.
Palagi itong isang East-meets-West na kuwento—ginagamit ang Indian artwork at architecture, tapos hinahaluan ng placement at ilang colorway mula sa Italian fashion at sa uri ng kariktang dala nito.
Anu-ano pa ang ibang mga brand o designer na hinahangaan mo ngayon?
Drole de Monsieur, gustung-gusto ko ang visuals nila, ang storytelling at ang cinematic na dating. Para bang gumagawa sila ng pelikula, at ang ilan sa kanilang campaign ay mukhang eksena mula sa The Godfather. Sa labas ng fashion, may brand sa India na nakatuon sa homeware at rugs na tinatawag na Jaipur Rugs.
Panghuli, anu-ano ang ilan sa mga goal mo para sa hinaharap? Paano mo nakikitang mag-e-evolve ang Shankar?
Ang hindi alam ng marami, nagsimula talaga kami bilang isang bespoke fashion brand. Mas tuluyan kaming naging fashion house noong inilunsad namin ang sarili naming koleksiyon para dalhin sa merkado. May ilan kaming napaka-exciting na proyekto kasama ang mga music artist at iba pang alagad ng sining sa mundo ng sayaw, biswal na sining at musika, kung saan gumagawa kami ng one-of-a-kind na mga piraso at limited collections—iyan ang maikli hanggang panggitnang panahong hinaharap ng brand namin.
Sa pangmatagalan, mananatiling bahagi ng arsenal namin ang fashion. Ang dahilan kung bakit ko sinimulan ang Shankar, at kung bakit ko pa rin ito ginagawa, ay dahil nandito kami para ipagdiwang ang kultura at artistry sa lahat ng anyo. Gusto kong maging isang uri ito ng umbrella movement—isang festival ng arts at culture, fashion, homeware at baka pati spoken word. Nasa pangalan na mismo namin, Shankar World. Gusto kong maging isang mundo ng Shankar ito, kung saan puwede kang magpahayag ng sarili, magkuwento ng mga istorya mo, at makahanap ng isang matibay na pakiramdam ng pagiging kabilang.



















